- Home
- Healthy People
- Diseases & Risks
- Measles
- Tungkol sa tigdas (Tagalog)
Tungkol sa tigdas (Tagalog)
Ang tigdas ay isang lubos na nakahahawa at posibleng malubhang sakit na nagdudulot ng lagnat, pamamantal, ubo, at namumula at nagluluhang mata. Pangunahin itong kumakalat sa hangin pagkatapos umubo o bumahing ng isang taong may tigdas.
Nagsisimula ang mga sintomas ng tigdas nang pito hanggang 21 araw pagkatapos ng pagkakalantad. Nakahahawa ang tigdas mula humigit-kumulang apat na araw bago lumitaw ang pantal hanggang apat na araw pagkatapos lumitaw ang pantal. Maaari maikalat ng mga tao ang tigdas bago lumabas ang likas na pamamantal na dulot ng tigdas.
Kabilang sa mga taong nasa pinakamataas na panganib ng pagkakalantad sa tigdas ang mga hindi bakunado, buntis, sanggol na wala pang anim na buwang gulang, at mga mahina ang immune system. Itinuturing na may inmunidad sa tigdas ang isang tao kung nalalapat ang alinman sa mga sumusunod:
- Ipinanganak ka bago ang 1957
- Mayroon kang resulta ng pagsusuri ng dugo na nagpapakita ng inmunidad sa tigdas
- Sigurado kang dati ka nang nagkaroon ng tigdas na na-diagnose ng provider ng pangangalagang pangkalusugan
- Napapanahon ang iyong bakuna sa tigdas (isang dosis para sa mga batang may edad na 12 buwan hanggang tatlong taon, dalawang dosis sa sinumang apat na taong gulang pataas).
Ipinapakita ng sumusunod na talahanayan ang dalas ng mga ulat ng kaso ng tigdas sa lugar:
Taon | Snohomish County | Estado ng Washington |
2017 | 0 | 3 |
2018 | 6 | 8 |
2019 | 1 | 90 |
2020 | 0 | 1 |
2021 | 0 | -- |
Ang manaka-nakang kaso at maliliit na kumpol ng kaso ay karaniwang dahil nakuha ito mula sa ibang lugar pagkatapos ng pagbiyahe mula sa ibang bansa kung saan mas laganap ang tigdas. Kadalasang nagsisimula sa parehong paraan ang mas malalaking pagbugso ng kaso na dumadami kung pumasok ang virus sa network o komunidad na mababa ang dami ng taong nabakunahan. Bagaman ligtas at isa sa pinakamabisa at pinakamatibay na bakunang ginagamit ang 2 dosis na bakuna sa tigdas, kahit na ang mga ganap na bakunadong indibidwal ay maaari pero bihirang makakuha ng tigdas. Gayunman, noong pagbugso ng kaso sa 2019, 4% lamang ng mga kaso ang mga ganap na bakunadong tao.
Impormasyon tungkol sa bakuna
Maaaring tingnan ng mga magulang at tagapag-alaga ang katayuan ng pagpapabakuna ng kanilang anak o i-print ang kanilang Sertipiko ng Katayuan ng Pagpapabakuna (Certificate of Immunization Status) sa https://wa.myir.net, o sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa kanilang medikal na provider.
Libreng ibinibigay ang mga bakuna sa lahat ng bata hanggang 18 taong gulang. Kung may siningil na fee ang isang provider ng pangangalagang pangkalusugan para ibigay ang bakuna, maaaring hilingin ng mga magulang o tagapag-alaga na ipaalis ito kung hindi nila ito kayang bayaran. Ayon sa batas, walang batang maaaring tanggihang makakuha ng inirerekomendang bakuna mula sa kanilang regular na provider ng pangangalagang pangkalusugan kung dahil hindi makakabayad ang pamilya.